Huwebes, Enero 22, 2015

Sa palmera sya'y nagawi

Pumunta sya dito sa lugar namin. Sa Palmera. Kung ibang kwento to sasabihin ko kung anong itsura ng Palmera. May kataasan ang lugar dahil dati iyong bundok. Mainit ang lugar dahil napalitan na ng mga subdivision ang dating mga palayan at puno. Maririnig mo ang huni ng mga ibon, ihip ng hangin at patak ng tubig mula sa gripo dahil sa sobrang katahimikan. Madaming bahay pero kakaunti lang ang nakatira. Makikilala mo sa mukha yung mga bagong salta o yung mga napadaan lang doon. Pero hindi tungkol sa Palmera ang kwento ko. Tungkol sa pagpunta nya dito sa Palmera.

Matapos ang mahabang pilitan naisama ko sya lugar namin. Natatakot pa sya nung una. Baka paluhirin ko lang sya sahig, iitsa sa kama o kaya ay gapangin sa sofa. Sa totoo lang wala naman akong balak na ganun. Gusto ko lang makita nya kung anong klaseng lugar yung kinalakihan ko. Pumunta kami sa lumang play ground na dating pinaglalaruan ko. Tinuro ko sakanya yung puno ng narra kung saan ako nagtatago nung nag-aaral pa lang akong manigarilyo. Sa likod ng stage sa may basketball court kung saan ako unang nakakita ng katawan ng babae at sa may tabing ilog kung saan ko pinapanood ang pagtatalik ng liwanag at dilim.

Uuwi na ko. Sabi nya sakin. Dati ay hahayaan nya akong ilibot sya sa mga lugar na gusto kong kasama sya. Sa mga museyo, aklatan, sa mga parke. Sa lugar kung saan ay tahimik. Sumasama sya sa akin at hindi nagrereklamo kahit alam ko namang napipilitan lang sya. Papatapusin nya ang lahat ng kwento ko saka lang kami uuwi. Laking syudad kasi si Anna. Ayaw hindi daw sya sanay sa mga ganung lugar. Yung maririnig mo ang huni ng mga ibon, ihip ng hangin at patak ng tubig mula sa gripo dahil sa sobrang katahimikan. Musika sa tenga nya ang busina ng mga jeep. Hindi sya sanay maglakad sa kalupaan dahil semantado ang lahat sa syudad. Ayaw din nya ng mga kwento tungkol sa nakaraan. Sa katunayan, nung nasa kolehiyo kami eh dalawang beses nyang kinuha ang asignaturang kasaysayan. Gusto ko sanang pigilan sya sa pag-uwi. Kaso hindi ko kaya. Takot ako kay Anna. Pag gusto nya, gusto nya talaga. At pag ayaw, ayaw din. Doon nga naging kami eh. Kasi ginusto nya ko. 

Pero ngayon nagbago na sya. Hindi na sya sumasama sakin sa mga akltan, museyo o parke. Hindi na rin sya nakikinig sa mga kwento tungkol sa akin. Wala na syang paki sa mga lugar na gusto kong puntahan kasama sya. Hinatid ko sya sa sakayan. Pinagmasdan ko sya habang papalayo ang jeep na sinasakyan niya. Hanggang sa hindi ko na sya matanaw dahil sa layo ng distansya. Pero alam kong sya parin yun. Kahit na malaki na ang pinagbago nya. Parang ang Palmerang kinalakihan ko. Hindi mo na kita ang mga puno't palayan pero alam kong yun parin yun.

1 komento: