Huwebes, Enero 22, 2015

Sa palmera sya'y nagawi

Pumunta sya dito sa lugar namin. Sa Palmera. Kung ibang kwento to sasabihin ko kung anong itsura ng Palmera. May kataasan ang lugar dahil dati iyong bundok. Mainit ang lugar dahil napalitan na ng mga subdivision ang dating mga palayan at puno. Maririnig mo ang huni ng mga ibon, ihip ng hangin at patak ng tubig mula sa gripo dahil sa sobrang katahimikan. Madaming bahay pero kakaunti lang ang nakatira. Makikilala mo sa mukha yung mga bagong salta o yung mga napadaan lang doon. Pero hindi tungkol sa Palmera ang kwento ko. Tungkol sa pagpunta nya dito sa Palmera.

Matapos ang mahabang pilitan naisama ko sya lugar namin. Natatakot pa sya nung una. Baka paluhirin ko lang sya sahig, iitsa sa kama o kaya ay gapangin sa sofa. Sa totoo lang wala naman akong balak na ganun. Gusto ko lang makita nya kung anong klaseng lugar yung kinalakihan ko. Pumunta kami sa lumang play ground na dating pinaglalaruan ko. Tinuro ko sakanya yung puno ng narra kung saan ako nagtatago nung nag-aaral pa lang akong manigarilyo. Sa likod ng stage sa may basketball court kung saan ako unang nakakita ng katawan ng babae at sa may tabing ilog kung saan ko pinapanood ang pagtatalik ng liwanag at dilim.

Uuwi na ko. Sabi nya sakin. Dati ay hahayaan nya akong ilibot sya sa mga lugar na gusto kong kasama sya. Sa mga museyo, aklatan, sa mga parke. Sa lugar kung saan ay tahimik. Sumasama sya sa akin at hindi nagrereklamo kahit alam ko namang napipilitan lang sya. Papatapusin nya ang lahat ng kwento ko saka lang kami uuwi. Laking syudad kasi si Anna. Ayaw hindi daw sya sanay sa mga ganung lugar. Yung maririnig mo ang huni ng mga ibon, ihip ng hangin at patak ng tubig mula sa gripo dahil sa sobrang katahimikan. Musika sa tenga nya ang busina ng mga jeep. Hindi sya sanay maglakad sa kalupaan dahil semantado ang lahat sa syudad. Ayaw din nya ng mga kwento tungkol sa nakaraan. Sa katunayan, nung nasa kolehiyo kami eh dalawang beses nyang kinuha ang asignaturang kasaysayan. Gusto ko sanang pigilan sya sa pag-uwi. Kaso hindi ko kaya. Takot ako kay Anna. Pag gusto nya, gusto nya talaga. At pag ayaw, ayaw din. Doon nga naging kami eh. Kasi ginusto nya ko. 

Pero ngayon nagbago na sya. Hindi na sya sumasama sakin sa mga akltan, museyo o parke. Hindi na rin sya nakikinig sa mga kwento tungkol sa akin. Wala na syang paki sa mga lugar na gusto kong puntahan kasama sya. Hinatid ko sya sa sakayan. Pinagmasdan ko sya habang papalayo ang jeep na sinasakyan niya. Hanggang sa hindi ko na sya matanaw dahil sa layo ng distansya. Pero alam kong sya parin yun. Kahit na malaki na ang pinagbago nya. Parang ang Palmerang kinalakihan ko. Hindi mo na kita ang mga puno't palayan pero alam kong yun parin yun.

Miyerkules, Disyembre 17, 2014

Jorge by Led Villafuerte

mahusay siyang magtago ng mga lihim. tulad na lamang ng kanyang pangalan, sa tinagal-tagal niyang labas-masok sa bookstore ay wala ni-sino ang ang naka-alam ng pangalan n'ya. hindi naman sa hindi kami nagtanong, sa totoo'y napagod na lang kami. hindi kasi siya sumasagot nang matino. jorge ang tawag sa kanya ng may-ari ng bookstore, iyon daw ang paboritong author nung lalaki, pansin nito. Og ang tawag ng iba sa kanya, hindi ko alam kung saan ito nakuha. manong ang tawag ko sa kanya. wala ring may alam kung saan siya galing--para bang pusang gala na biglang lumitaw, agarang tinanggap, hindi na inusisa kung saan nagmula.

may kaya siya sa aking pagsuma. paano'y halos puno ang dalawang ecobag ng mga libro kada bisita niya sa bookstore. basta hindi pwedeng wala siyang bitbit sa kanyang pag-uwi. ang bansag nga sa kanya nung isang propesor na tambay din sa bookstore ay, "incorrigible book buyer" ang sabi pa'y nais daw nitong makipagsabayan sa patuloy na pag-lawig ng uniberso sa pamamagitan ng pagpapalawig naman ng kanyang library. ang library na iyon ay sa imahinasyon lamang namin namamasdan. 

sabi ni manong noong minsang kausapin niya ako, siya raw ang sentro ng daigdig, ng kalawakan pa nga ata--ang punto kung saan sinusukat ang lahat ng bagay, sa pagkakaintindi ko'y parang kilometer 0, iyon daw siya. ewan ko kung tama ako. hindi naman kasi niya naipaliwanag kung anong ibig niyang sabihin. nawala siya bigla.

halos ilang linggo na rin pala siyang hindi nabibisita. wala na ang pamilyar na katawang laging makikitang naka-salampak sa pinakasulok ng bookstore, inaamoy-amoy ang mga pahina ng mga librong tipo niyang bilhin. 

mahusay nga siyang magtago ng mga lihim.

Linggo, Disyembre 7, 2014

Masokista

"hindi ka ba titigil sa kakayosi mo?"

'dito ako masaya' nagpagpag ng upos gamit ang hintuturo

"anong masaya jan? yang kasiyahan mo yang ang siyang papatay sayo"

'hindi mo kasi alam."

Hindi mo kasi alam kung ano yung sayang nararamdaman ko dito." sabay tapik sa kaliwang dibdib

natahimik ang kausap nya.

" hindi mo kasi alam ang sayang dulot nito. Yung sayang galing sa pait--- yung galing sa sakit.


---yung nakakamatay,

Sinagad nya ang higop sa yosi. Pagkabuga ay tumayo at lumakad palayo.

hindi ka kasi marunong magmahal....

Miyerkules, Disyembre 3, 2014

Nung 'nahuli' ako ng Silup


Tipikal na tanghali sa UN Avenue. Mainit. Maingay at punong-puno ng tao ang mga fastfood chains. Galing ako sa Anonas at napadpad sa Times Plaza sa UN Avenue dahil sa paghahanap ko ng trabaho. Kakatapos ko lang kumain at bilang smoker ay kailangan kong manigarilyo pagkatapos ng bawat kain ko. (Maliban na lang kung ako ay nasa bahay) 

Hindi ko alam kung anong tawag dito pero may ugali ako na pag may gagawin akong hindi kaaya-aya katulad ng pangongopya sa klase, pagtatapon ng alak sa inuman at ngayon ay pagyoyosi sa mataong lugar ay tumitingin ako sa mga tao sa paligid ko kung ginagawa din ba nila yun. Para kung sakaling sumabit ako ay may maidadamay ako. 

Marami ang tao sa Times Plaza nung oras na yun. May mga bumbay na nag-aaral sa Medical School na malapit, meron ding mga estudyante ng Criminology at Estudyante ng Manila Science Highschool. Nandun din yung mga tindero't tindera na nagbebenta ng mga sigarilyo at iba pa. Mahigit singkwenta siguro kami sa Plaza. Anim ang bilihan ng sigarilyo at siyam ang nagyoyosi. Sapat ng bilang yun para sumindi ako ng yosi mula sa bulsa ko.

Sumindi nga ako. Nagmuni-muni. Kung wala ako sa mataong lugar malamang ay nagpapabilog ako ng usok o kaya ay pinapactice yung casper trick sa usok. Pero dahil andito ako sa Plaza, hithit-isip-buga lang. Pinagbubulay-bulayan ko ang nangyari sa aking buhay. Nung nasa kolehiyo pa ako at nag-aaral ng accounting, nung nagdrop ako dahil sa katamaran, unang girlfriend ko sa kolehiyo, tapos yung break up two days bago ako grumaduate at pagkakasisante ko sa trabaho nang biglang dumating tong si mamang pulis.

Hindi ko alam may namatay na bida sa pelikula o napagkamalan nanaman akong magnanakaw kaya may pulis. Nung nagpakalbo ako nung 1st year college, tumatakbo ako papasok ng PUP ng bigla akong hinabol ng pulis. Tinanong ako kung taga saan ako, bakit ako tumatakbo at iba pang bagay. Natigil lang siya nung pinakita ko yung ID, registration card ko at sinabi kong late na ko sa midterm exam ko. 

Katulad nung pulis na humarang sakin tinatanong din ako ng pulis na to ng kung anu-ano. Una nyang bungad eh kung ilang taon na ako. Eto yung pinakamahirap na tanong para sa akin. Kung sinabi kong disi-otso ako sasabihan akong sinungaling. Pagsinabi kong bente-dos na ko, sinungaling parin. Lintek kasi yung height ko. Pangkatorse lang daw. Sinabi ko ang totoo na bente dos na ko. At ayun nga tumawa siya. Hindi daw siya pinanganak kahapon. Natawa din ako sa isip ko. Talagang hindi ka pinanganak kahapon, mas mukha syang manganganak bukas dahil sa laki ng tiyan nya.

Tinanong naman nya ako kung taga saan ako. Sabi ko taga Bulacan ako at nag-aapply ng trabaho. Pangisi-ngisi ang gago. Hindi ko alam kung anong nasa isip nya. 'Hindi mo ba alam na bawal magyosi dito?' Sabay labas ng papel na parang ticket. Tumingin ako sa pinaka malayong maabot ng paningin ko. Sa kanan, kaliwa, likod at harap. Tatlo ang nasa isip ko. Una, baka nasa Wow Mali ako. Yari ako kay mama dahil makikita nyang nagyoyosi ako sa national television. Pangalawa baka modus ng kidnapping. Pangatlo inisip kong baka nga bawal magyosi dun sa lugar. Pero walang akong nakitang "NO SMOKING" sa naabot ng paningin ko. 

Pero dahil nahihiya akong sumagot pinatay ko na lang yung yosi ko at humingi ng paumanhin tapos sisibat na sana ako. Pero hindi nya ko pinaalis. Kesyo nagawa ko na daw yung offence ko at caught in the act pa. Ngayon dadalhin daw ako sa prisinto para sa pangalan at iba pang tungkol sakin saka hinihingi ang contact number ng magulang ko. Pero pwede naman daw naming pag-usapan basta bibigyan ko sya ng limang daan. Nabwisit ako. Wala siguro pamasko sa inaanak nya ako pa ang pinagtripan. Eh mapilit sya saka medyo takot ako baka bigla na lang nya akong kaladkarin dun at sabihin nyang nakuhuli sya ng isnatcher, mas malaking kaso pa yun. Kaya ang ginawa ko nilakasan ko yung boses ko. 

'Boss' tawag ko dun sa isang nagyoyosi. Tinanong ko sya kung alam nya bang bawal magyosi sa lugar, hindi sya sumagot pero natawa sya. Tinanong ko pa yung isa kung bawal, sinagot naman nya ko na 'bata ka pa kasi'. Sapat na sakin yun na patunay na hindi bawal magyosi dun. Tinanong ko ngayon si mamang pulis, bakit ako lang ang ginaganyan mo? Eh ayun oh naka uniporme pa ng highschool nagyoyosi dito hindi mo sinita, bakit mas mukha ba akong bata sakanya? 'Sasama ako kung isasama mo yang mga yan, dagdag mo na din yung nagbebenta ng yosi dito. Walang magyoyosi kung walang nagtitinda ng yosi. Saka bat mo ko hinihingan ng limang daan ha kuya?' 

Wala ng masabi si kuya. Wala na din akong masabi. Takot na din ako baka bigla na lang nya kong banatan dun. Kaya ang ginawa ko humihingi ako ng simpatya dun sa mga taong andun. Paulit ulit kong tinatanong kung bawal talagang magyosi dun. Tapos nung nakalingat sya naisip kong sumibat. Bahala na. Tumakbo ako ng mabilis na parang bata hamog sa siyudad.
Dahil wala na akong maisulat tungkol sa atin, gumawa na lang ako ng espasyo para sumulat tungkol sa akin.